Sa kabila ng pagkontra at pagtutol ng mga kongresista at senador sa pagsusuot ng face shields ng mga Pilipino, nanindigan si Pangulong Rodrigo Duterte na higit na makabubuti sa kanila ang paggamit nito bunsod ng panganib na idudulot ng Omicron variant ng COVID-19 virus, na ngayon ay laganap at nananalasa sa maraming bansa sa mundo.

“Those who do not want to get infected, do not throw away the shield, continue using it, I advise you because I really firmly believe that the wearing of that face shield has contributed a lot. I cannot quantify or by what percentage it’s just a gut feeling because our cases are now low,” pahayag ng Pangulo sa kanyang public address noong Martes ng gabi.

Naniniwala naman ang mga mambabatas na hindi na kailangan ang face shields basta patuloy na tumatalima ang mga tao sa minimum health protocols, gaya ng madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, social distancing at pag-iwas sa maraming tao at malaking pagtitipon.

Nilinaw gayunman ng Malacañang na ang paggamit ng face shields ay mananatiling boluntaryo lamang maliban kung ang isang tao ay pupunta sa health-care facilities hospitals, alinsunod sa guidelines ng kasalukuyang Alert level 2.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iginiiit ni Duterte na ang pagtalima ng publiko sa pagpapatupad ng face mask mandate ay nakatulong sa pagpigil sa coronavirus transmissions, samantalang ang pagsusuot ng face shields ay nagbigay ng panibagong antas ng proteksiyon sa mga tao laban sa virus.

Binanggit ng Pangulo na ang mga tao sa ibang bansa ay mabilis sa pag-invoke ng human rights sa paghamon sa gobyerno tungkol sa protective gear ng COVID-19, at binanggit din ang kanilang kalayaan sa pagtanggi sa pagsusuot ng face mask at face shield.

“Now they see that it (high COVID-19 transmission) has revisited their country again. And the problem is that with an added so many variants already, you have the Omicron and the [Delta], there might be another crop of viruses that are coming our way,” ayon sa Presidente.

Sinabi naman ni Acting presidential spokesperson Karlo Nograles na ang pahayag ng Pangulo ay isang paalala lamang sa mga mamamayan na sa pagsusuot ng face shields ay nagkakaloob ng dagdag na layer o antas laban sa banta ng Omicron variant.

Bert de Guzman