Patuloy ang pagbuhos ng tulong mula sa ilang bansa ang natatanggap ng Pilipinas habang ang pambansang pamahalaan ay nagmamadali nang maabutan ng tulong ang mga apektadong lugar na hinagupit ng bagyong “Odette."
Inanunsyo ng United States (US), China, at South Korea nitong Miyerkules, Dis. 22 na magkakaloob sila ng cash assistance sa Pilipinas para tumulong sa relief operations nito.
Sinabi ni US Embassy in the Philippines Chargé d’Affaires (CDA) ad interim Heather Variava na ang US, sa pamamagitan ng US international Development (USAID), “is providing P10 million in immediate assistance to support communities devastated by typhoon Odette.”
“The United States is providing P10 million in immediate support, including food and shelter for communities affected by typhoon Odette,” ani Variava.
Sinabi ni Variava na ang USAID ay nakikiisa sa Action Against Hunger para magbigay ng pagkain, tubig, hygiene supplies at iba pang relief items sa mga libu-libong naapektuhan ng bagyo sa Surgao del Norte at Dinagat Islands.
Ibinunyag naman ng China na magbibigay ito ng US$1 milyon o humigit-kumulang P50 milyong na emergency cash assistance sa Pilipinas “to help the government and people in the typhoon Odette affected areas overcome the disaster and rebuild their homes at an early date”.
Ito ang inihayag ni Chinese ambassador to the Philippines Huang Xi Lian nang i-turn over niya ang huling batch ng 10,000 metric tons ng China-aided rice sa gobyerno ng Pilipinas nitong Dis. 22.
Sinabi ng Chinese envoy na “donations have echoed President Xi Jinping’s condolences offered yesterday (Dec. 21).”
Ipinaabot ni Xi kay Pangulong Duterte ang kanyang simpatya para sa mga biktima at ang kanyang taos-pusong pakikiramay sa mga naulilang pamilya at maging ang mga nasugatan. Inihayag niya na “China stood ready to render assistance to the Philippine side to the best of its ability.”
Samantala, magbibigay ng US$2 milyon na halaga ng humanitarian assistance ang South Korea sa bansa at karagdagang US$50,000 na halaga ng in-kind na mga donasyon sa mga darating na araw para sa relief response.
Ito ang ibinahagi ni Korean Ambassador to the Philippines Kim Inchul sa kanyang pakikipagpulong kay Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin nitong Miyerkules, Dis. 22.
Ayon kay Kim, ang US$50,000 ay gagamitin sa pagbili at paghahatid ng bigas sa mga naapektuhan ng bagyo habang ang US$2 milyon cash assistance ay magpapalakas sa recovery efforts upang makabangon at maibalik ang mga kabuhayan sa mga komunidad na apektado ng bagyo.
Nitong Martes, Dis. 21, inilunsad ng US, China, South Korea kabilang ang Japan, Australia, at United Kingdom ang kani-kanilang relief operations upang tulungan ang mga lugar na nasalanta ng bagyo sa bansa sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga pangunahing pangangailangan, generator at pansamantalang tirahan.
Betheena Unite