Sapat ang suplay ng bigas para sa mga biktima ng bagyong 'Odette' kahit na ilang stocks ang napinsala sa mga apektadong lugar.

Ito ang iginiit ng National Food Authority (NFA) nitong Miyerkules base sa paglilinaw ni NFA Administrator Judy Carol Dansal na gagamitin umano nila ang stocks mula sa ibang warehouses na hindi apektado ng bagyo.

“Nasira ‘yun [bigas sa Taytay, Palawan warehouse] pero may suplay na manggagaling sa Narra at sa bodega namin sa Puerto Princesa [Palawan],” aniya.

Bukod sa Taytay, Palawan, may mga naiulat din na pagkasira ng rice stocks sa NFA warehouses sa Negros Occidental, Cebu, at Iloilo dahil sa Odette.

Probinsya

9-anyos na bata, patay matapos makuryente ng tinatayang 20 minuto

Hindi umano dapat mag-alala ang mga apektadong residente dahil nakahanda ang sapat na suplay ng bigas.

“Hindi dapat matakot ang ating mga kababayan doon sa mga areas sa Southern Leyte, sa Region 6, Region 7, at saka sa Palawan, meron po kaming naka-preposition,” giit niya.

Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Martes na 1,113,373 indibidwal o 304,837 pamilya ang apektado ng bagyo.

Beth Camia