Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, nitong Martes, Dis. 22, na ang bagong-bihis na Manila Zoological and Botanical Garden o Manila Zoo sa kahabaan ng M. Adriatico Street sa Malate ay inisyal na magbubukas sa Dis. 30 para lamang sa mga manggagawa na nagtayo ng zoo at kanilang mga pamilya.

“Ang ganda-ganda! Nakaka-proud talaga! Dati ang baho-baho dito. This is one for the books. Para kang nasa Japan. Para kang nasa Jurassic Park. Sisiguruhin ko sa inyo, pati foreigner pupunta dito,” sabi ni Domagoso sa kanyang pagbisita sa Zoo kasama si Vice Mayor Doctor Honey Lacuna.

Ipinag-utos ni Domagoso sa mga opsiyal ng Manila Zoo na ang mga construction worker na nagtayo ng zoo at kanilang mga pamilya ay ituturing na Very-Important-Persons (VIP) kung kaya’t ma-eenjoy nila ang libreng pagkain at inumin sa soft opening ng pasyalan sa Dis. 30.

“Sila ang mag-oopen. It will be a family day. Premium naman sila, pinaghirapan nila yan. Kaya tama lang na VIP treatment sila,” sabi ni Domagoso.

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Unang binuksan noong 1959, ang Manila Zoo ay muling bubuksan sa Dis. 30 matapos ang unang major renovation nito na nagsimula noong 2019 matapos sitahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kawalan ng sweage system sa pasilidad.

Ang bagong-ayos na pasilidad ay magtatampok ng mga exhibit tulad ng Animal Museum, Botanical Garden at isang hiwalay na enclosure para sa mga hayop na endemic o nanganganib nang maubos sa Pilipinas.

Inayos na rin ang mga pasilidad para sa mga bibisita sa pasyalan. Ang mga amenities sa paligid ng zoo ay ginawang accessible para sa mga taong may kapansanan. Naglagay na ng mga drinking fountain, food stall, souvenir stores at nagtayo na rin ng bagong parking area.

Ang Manila Zoo ay pumasok din kamakailan sa wildlife exchange partnership sa Cebu Safari Adventure Park sa Carmen City noong Dis. 8, na nagpapahintulot sa dalawang zoo na mag-trade ng mga kakaibang hayop at gamot.

Seth Cabanban