May takot si Queen of All Media Kris Aquino sa pagtapak sa airport at pagsakay sa eroplano tuwing ika-21 ng buwan, dahil sa asasinasyon ng kaniyang amang si dating senador Benigno 'Ninoy' Aquino, Jr. noong Agosto 21, kaya ito ang araw na ginugunita ang 'Ninoy Aquino Day'.
Makikita sa Instagram post ni Kris nitong Disyembre 21 ang kanilang video kung saan kasama niyang nakapila ang fiance na si dating DILG Secretary Mel Sarmiento at kanilang team habang nasa airport. May backgound music pa itong 'Christmas in Our Hearts' ni Jose Mari Chan.
"I’ve always had this fear, I try my very best to NEVER be in any airport & take any flight when the day falls on the 21st… pero nangako kaya kailangan panindigan," sey ni Kristeta.
"From what I consider to be our song, some of my favorite lyrics (kaya care bears na lang na tulog na siya while we wait to take off habang ako nag-decide na wag na lang matulog kasi lagpas 1 AM noong natapos ko lahat ng mga bilin ko na dapat mahabol bukas, Dec 22, but 2:30 AM dapat maligo na kasi aayusan ako ng 3 AM)."
Ibinahagi rin niya ang ilang lyrics mula sa awiting 'Feels Like Home' ni Chantal Kreviazuk.
Hindi naman nilinaw ni Kris sa IG kung ang flight na ito ay patungong Negros Occidental kung saan sinamahan niya si presidential aspirant Vice President Leni Robredo sa pagsasagawa ng relief operations para sa mga nasalanta ng bagyong Odette.