Kumakalat ngayon sa social media ang kuhang video kung saan ibinuking ni Queen of All Media Kris Aquino ang ginawa ni 'real-life Darna' Angel Locsin.
Makikitang nagsasalita si Kris habang may mikropono nang bisitahin nila ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo ang Himamaylan City sa Negros Occidental nitong Disyembre 21, 2021, upang isagawa ang relief operations para sa mga nasalanta ng bagyong Odette.
"Nagbigay po si Angel Locsin ng ₱2M pesos kay VP Leni para po pantulong para po sa lahat ng nasalanta," pahayag ni Kris.
Matatandaang noon pa man ay aktibo na si Angel sa pagtulong sa mga nangangailangan lalo na sa mga sakuna at kalamidad gaya ng bagyo, lindol, at nitong pandemya.
Matatandaang sa paghagupit ng bagyong Odette sa Kabisayaan ay nakipag-ugnayan kaagad siya sa Leni-Kiko Volunteer Office upang magpaabot ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng super typhoon.
"Hi guys! For those who want to help and are looking for a trustworthy organization na maipapaabot talaga sa mga tao ang tulong, after I saw this artcard online, I went to the Leni-Kiko Volunteer office to personally extend help for our kababayan’s who are affected by the typhoon #Odette," ayon kay Angel sa kaniyang Facebook post.
BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/12/18/angel-locsin-nagpahatid-ng-tulong-sa-mga-nasalanta-ni-odette/
Sa Instagram post naman ni Kris, sinabi niya na matagal na silang magka-tandem ni Angel sa mga ganitong gawain, noon pa man.
Samantala, kumakalat din online ang screengrabs ng non-stop messaging nina Angel Locsin at Kris Aquino sa kung paano nila maipararating ang mga tulong nila para sa mga biktima ng bagyong Odette.