Bagsak pa rin ang telecommunication services sa ilang lugar na lubhang tinamaan ng Bagyong Odette, ayon sa ulat ng Department of Infromation and Communications (DICT) nitong Martes, Disyembre 21.

“Meron tayong ilang probinsya na malakas ang tama nung bagyo, Siargao, Surigao, Dinagat. Pinuntahan po namin mismo nung Linggo,” ani DICT Secretary Manny Caintic sa naganap na Laging Handa briefing.

“Ang mga lugar na ito ay wala pa talagang communication lines doon dahil may ilang tore na nawalan ng connection,” sabi ni Caintic.

Aniya, tinutulungan ng DICT ang mga telcos na maghatid ng mga tauhan at kagamitan upang ayusin ang mga naputol na linya ng komunikasyon at agad na maibalik ang kanilang mga serbisyo.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

“Inaayos namin ngayon ang kanilang communications line for emergency purposes sa tulong ng VSATs [very small aperture terminal], ang emergency communication equipment, mga SAT phone,” sabi ng opisyal.

Kinokonsidera rin ng DICT na magset-up ng mga libreng Wi-Fi site sa mga apektadong lugar gamit ang mga VSATs, “tawag (call) centers,” at long-range radios.

Sinabi ni Caintic na sinusubukan nilang ibalik ang mga naputol na linya ng komunikasyon sa “buwang ito.”

“Ang una nating inaayos muna yung power. Ma-clear muna ang mga natumbang mga poste ng power, kasi hangga’t hindi natin yan maayos hindi natin sila makakuha ng kuryente. So siguro ngayong linggo namin yan aayusin.”

Gabriela Baron