Pinaigting pa ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbabantay sa mga daungan kasunod ng muling pagbiyahe ng mahigit 28,000 outbound at inbound na mga biyahero matapos ma-stranded sa iba’t ibang daungan sa buong bansa.

Ang hakbang ay naglalayong matiyak ang ligtas na paglalakbay pagkatapos ng port operations nang umalis ang Bagyong Odette sa teritoryo ng Pilipinas.

Habang balik-operasyon na ang ibang mga daungan sa buong bansa, mayroon pang nananatiling nakasara kabilang ang Port of San Ricardo sa Eastern Visayas. Dahil dito, nasa 194 na pasahero driver at tauhan kabilang ang 187 rolling cargoes ang stranded.

Sa Central Visayas, sarado pa rin ang Pier 1 Cebu City kung saan 50 ang kabuuang stranded na pasahero, driver at iba pang tauhan.

National

Tinapyasang budget ng opisina ni VP Sara, ‘di na dapat baguhin – Sen. Risa

Sa kanilang inspeksyon sa iba’t ibang daungan, ang PCG, na nagtalaga ng 1,586 na frontline personnel ay nakapagsuri na sa 301 sasakyang-dagat at 228 motorbanca na nagpapahintulot sa paggalaw ng mga papalabas at papasok na mga pasahero.

Samantala, nagpatuloy ang relief efforts ng PCG habang 4,400 family food packs mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang naihatid sa Panacan sa Davao City.

Ang family food packs ay lulan ng BRP Bagacay (MRRV-4410) kung saan ang bawat pamilya at makatatanggap ng anim na sako ng bigas at canned goods na kape. Ang mga suplay ay ihahatid sa mga pamilya sa Surigao City, Surigao del Norte.

Nagpadala ang PCG District Western Visayas ng mga house repair kit sa Negros Occidental sa pamamagitan ng BRP Nueva Vizcaya. Bukod sa 50 house repair kits, 900 food packs at 500 hygiene kits ang ipapaabot rin sa mga apektadong pamilya.

Waylon Gomez