Sa nakalipas na tatlong linggo, nananatiling COVID-19-free pa rin ang munisipalidad ng Pateros.

Ito ay ayon kay Dr. Guido Davod ng OCTA Research na naglabas ng pinakahuling COVID-19 tally para sa National Capital Region.

Inanunsyo rin ni Pateros Mayor Miguel “Ike” Ponce III sa isang live broadcast sa Facebook nitong Dis. 21 na “halos isang buwan na tayong walang kaso ng COVID-19 sa ating munisipyo.”

Pinaalalahanan niya ang mga residente na dapat pa rin nilang sundin ang mga minimum public health protocol sa gitna ng banta ng mas nakahahawang Omicron variant.

'Walang matitira, ubos sila!' Netizens napa-react na i-firing squad mga korap

Batay sa datos ng OCTA Research para sa Dis. 14 hangang 20, walang bagong kaso ng COVID-19 ang Pateros, rekord na pinanatili nito mula noong Disyembre 1. Ang numero ay batay sa Data Drop ng Department of Health (DOH).

Ang Pateros ang tanging local government unit (LGU) sa Metro Manila na walang kaso ng COVID-19. Dahil dito, ayon sa OCTA Research, ang munisipalidad ay may negatibong 100 percent growth rate at zero average daily attack rate (ADAR), o bilang ng arawang kaso ng COVID-19 sa bawat 100,000 populasyon mula Dis. 14 hanggang 20.

Ang munisipyo ay mayroon din 0.02 infection rate o reproduction number noong Dis. 17, 10 percent health utilization rate, at 20 percent intensive care unit (ICU) occupancy noong Disyembre 19.

Inuri ng OCTA ang Pateros at 14 iba pang LGUs bilang “very low risk” batay sa mga sukatan nito.

Sinabi nito na ang NCR ay may average na 79 na bagong kaso ng COVID-19 kada araw mula Dis. 14 hanggang 20, isang pagbaba ng negatibong anim na porsiyento mula sa nakaraang linggo.

Ang buong NCR ay inuri bilang very low risk para sa COVID-19.

Jonathan Hicap