Iniulat ng OCTA Research Group na bahagyang tumaas ang COVID-19 reproduction number sa National Capital Region (NCR).

Sa kabila nito, nilinaw naman ng OCTA na ang NCR at lahat ng 15 local government units (LGUs) sa rehiyon ay klasipikado pa ring "very low risk" sa COVID-19 habang ang Las Piñas at San Juan ay klasipikado pa rin naman bilang low risk.

Batay sa datos na inilabas ng OCTA, na ibinahagi ni Dr. Guido David sa kanyang Twitter account,  nabatid na nasa 0.48 na ngayon ang reproduction number sa NCR, na bahagyang mas mataas sa dating 0.39 lamang.

Ang reproduction rate ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng sakit ng isang pasyente ng virus at ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon na bumabagal ang transmisyon ng virus. Samantala, ang average number ng mga naitatalang bagong kaso ng sakit sa rehiyon ay nasa 79 na lamang mula Disyembre 14 hanggang 20. 

National

Manuel, naalarma sa epekto ng paglaganap ng Pornhub sa kabataan

Mas mababa ito kumpara sa 91 cases per day na naitala mula Disyembre 6 hanggang 12.

Nakasaad din sa ulat na ang average daily attack rate  (ADAR) sa NCR ay naitala sa 0.55 per 100,000 population habang ang positivity rate naman ay nasa 0.6%.

Sinabi ng OCTA na ang rehiyon ay nakapagsagawa ng average na 18,127 RT-PCR tests sa nakalipas na linggo.

"12.21.21 NCR at very low risk with 79 new cases per day. Also at very low risk: Pateros, Muntinlupa, Navotas, Caloocan, Marikina, Pasay, Taguig, Quezon City, Mandaluyong, Pasig, Malabon, Parañaque, Valenzuela, Manila, Makati," ayon naman kay David. 

Sa isang disclaimer, nilinaw naman ng OCTA na ang kanilang report ay hindi repleksiyon ng posisyon ng Department of Health (DOH), Inter-Agency Task Force, at ng mga local government units (LGUs). 

Mary Ann Santiago