Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno na handa na ang lungsod ng Maynila sa Omicron variant ng COVID-19.
Ayon kay Moreno, sa ngayon ay patuloy na bumababa ang COVID-19 cases sa lungsod.
Sa kabila nito, sinabi ni Moreno na tumatakbo rin bilang pangulo ng bansa sa ilalim ng Aksyon Demokratiko, na dapat na manatiling vigilante at responsable ang mga taga-Maynila dahil mayroon ng surge ng Omicron variant cases sa mga mas progresibong bansa tulad ng United Kingdom, Israel at United States.
“As of today, patuloy ang malaking banta ng Omicron pero kahit paano ay handa ang lungsod ng Maynila kung sakaling magkaroon ng surge,” pagtitiyak ng alkalde.
Ayon kay Moreno, ang patuloy na pagbaba ng kumpirmadong kaso ng COVID sa lungsod ay dahil sa mabilis nilang aksyon ni Vice Mayor Honey Lacuna simula pa lamang noong Day 1 na nagresulta sa pagpigil sa malawakang transmisyonion ng virus sa kasagsagan ng pandemya.
Base sa ulat ni Dr. Arnold Pangan, hepe ng Manila Health Department, sinabi ni Moreno na ang pamahalaang lungsod ay mayroong ilang libong reserbang oxygen tanks, ‘patient-less’ quarantine facilities at mga available na COVID beds sa anim na city-run hospitals at gayundin sa Manila COVID-19 Field Hospital.
“Ito (oxygen tanks) ay dahil ‘yung mga nai-prepare namin in March nang makita naming in demand sa ibang bansa dahil sa surges gaya ng sa India, Indonesia, Malaysia. Salamat sa Diyos, hindi natin nagamit. Hindi naman ito napapanis,” sabi ng alkalde.
Idinagdag pa ni Moreno na ang pamahalaang lungsod ay may sapat na gamot, vaccines, doctors, nurses, at iba pang pangangailangan bilang paghahanda laban sa COVID-19.
“Patuloy lang ang paghahanda namin ni Vice Mayor Honey para nang sa ganoon, kayong mamamayan ay makalabas, makaikot, makabalik sa trabaho at mairaos ang pamilya. Gusto ko sa Maynila, makapag-negosyo kayo at makapamuhay nang normal. Learn to live with COVID,” ayon pa kay Moreno.
Nabatid na hanggang nitong Lunes ang naitalang kumpirmadong kaso ng COVID sa Maynila, 74 na lamang habang isa ang nasawi.
Mary Ann Santiago