Nais ni Senate Blue Ribbon Committee chair Senator Richard Gordon na maaresto ang dalawang pangunahing opisyal ng mga kompanyang diumano’y nauugnay sa mga irregularidad sa pagbili ng gobyerno ng COVID-19 supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Ibinunyag ni Gordon, sa pagpapatuloy ng pagdinig sa Senate blue ribbon panel kaugnay sa transaksyon ng gobyerno sa Pharmally, na sina Gerald Cruz at Jayson Uson ay sangkot sa mga kompanyang naiuugnay sa Pharmally.
Hindi pa rin dumadalo sa imbestigasyon ng panel ang dalawang personalidad.
“Gerald Cruz and Jayson Uson are involved in firms linked to Pharmally and are in hiding until now,”ani Gordon sa ika-17 na pagdinig ng komite.
Ayon sa senador, sina Cruz at Uson ang may hawak ng mahahalagang posisyon sa ilang kompanyang naiuugnay kay Michael Yang, ang dating economic adviser ni Pangulong Duterte.
Si Yang ang umano’y tumustos sa Pharmally, isang undercapitalized na kompanya, upang tulungan itong makakuha ng mga kontrata sa gobyerno.
Ayon kay Gordon, tinutugis na ng panel si Cruz na umano’y namamahala sa pagpapaupa ng bahay ni Yap sa Forbes Park, Makati City.
Nasa Japan naman umano si Uson. Sinabi ni Gordon na makikipag-ugnayan ang panel sa embahada ng Pilipinas sa Japan upang suriin ang kinaroroonan ni Uson at kalauna’y mahuli ito.
“If the Secretary of (the Department of) Justice, the Ombdusman and NBI (National Bureau of Investigation (NBI) are listening, I hope they can help our country obtain justice for all the public money wasted by these individuals,”ani Gordon.
Hannah Torregoza