Nanawagan sa gobyerno ang human rights lawyer na si Chel Diokno na bigyang-prayoridad ang mga biktima ng Bagyong Odette sa pamamagitan ng pagre-relax ng documentary requirements para mapabilis ang kanilang pagkuha ng mga benepisyo at tulong pinansyal mula sa mga kinauukulang ahensya.

“We ask the government to be pro-active in addressing the disaster victims’ needs from government institutions,”ani Diokno, isang senatorial aspirant, sa isang pahayag.

Ito ang kanyang naging panawagan sa ulat na ang mga apektadong residente sa mga nasalanta ng bagyo ay kukuha ng emergency loan mula sa Government Service Insurance System (GSIS), Social Security System (SSS), at ang Philippine Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG).

Binigyang-diin ni Diokno ang pangangailangan para sa pamahalaan na mabilis na subaybayan ang pagpapalabas ng mga bagong ID ng gobyerno at muling pagsasaayos ng mga titulo ng lupa at iba pang mahahalagang dokumento na sinira ng humagupit ang bagyong Odette.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

“Hindi na dapat nating pabigatin pa ang pasanin ng ating mga kababayang nawalan na ari-arian at kabuhayan. Tulungan natin sila na unti-unting makabangon mula sa trahedyang ito,” pagpupunto ni Diokno.

Tumaas na sa 375 ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyo, sa pag-uulat ng mga awtoridad nitong Lunes, Dis. 20.

Ang bagyo, na tinuturing na pinakamalakas na tumama ngayong taon, ay nag-landfall ng siyam na beses sa bahagi ng Visayas at Mindanao. Daan-daang libong tao na ang inilikas at bilyun-bilyong halaga ng mga ari-arian ang nawasak.

Itinurn-over ng veteran lawyer nitong weekend ang P2.5 milyong halaga ng relief goods na naibigay ng kanyang mga tagasuporta sa Leni-Kiko volunteer center sa Quezon City na ginawang relief operations center para sa libu-libong pamilyang naapektuhan ng bagyo.

Kabilang sa mga ipinapamahagi sa mga nasalanta ang kumot, instanrt noodles, biskwit, de-lata, sabon, at iba pang hygiene essentials.

Ibinahagi ng isa sa mga volunteers ni Diokno na tumulong ang abogado sa pag-iimpake ng relief goods na ipinadala sa mga biktima ni Odette.

“He arrived mid-afternoon at the Leni-Kiko relief operations center and facilitated the turnover of his donations himself,” ani Brenda Pureza sa isang Facebook post.

“He chatted a bit with the volunteers and spent the afternoon until evening helping out kahit ang sama ng panahon. Siya mismo nagbuhat ng donations, san ka pa," dagdag niya.

Raymund Antonio