Naitala na ng Department of Health (DOH) ang ikatlong kaso ng Omicron variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ang isinapubliko ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire at sinabing ang third case ng Omicron ay na-detect sa isang returning Filipino mula sa Qatar, na may travel history sa Egypt.
Dumating aniya ang 36-anyos na lalaking pasyente nitong Nobyembre 28 sa Mactan-Cebu International Airport lulan ng Qatar Airways flight QR 924.
Nananatili umanong asymptomatic ang pasyente simula nang dumating siya sa bansa.
Ang kanyang sample ay nakolekta nitong Disyembre 4 at nailabas ang resulta nito kinabukasan.
Nagnegatibo ang kanyang RT-PCR test noong Disyembre 19, ayon kay Vergeire.
"He completed his isolation in Cebu before traveling back to Cavite, his hometown, and immediately underwent home quarantine," ani Vergeire sa mga mamamahayag nitong Lunes.
Sa ngayon ay nakumpleto na umano nito ang kanyang home quarantine.
Mary Ann Santiago