Posibleng hindi na maging bagyo ang namataang low pressure area (LPA) sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Paglilinaw ni PAGASA weather forecaster Chris Perez nitong Lunes, Disyembre 20, maliit ang tiyansa mabuo bilang bagyo ang nasabing LPA na nag-iipon pa ng lakas habang nananatili sa Pacific Ocean.
Gayunman, ipinaliwanag ng ahensya na posibleng tumbukin ng sama ng panahon ang silangan ng Mindanao sa huling bahagi ng linggong ito.
Sa pagtaya ni Perez, posible pa ring pumasok ang LPA sa Pilipinas at kikilos pa-kanluran ng nasabing rehiyon.
“Sa mga kababayan natin, ngayon pa lamang pinapayuhan na natin sila na bagamat naghahanda tayo sa darating na Kapaskuhan at patuloy pa rin tayong nag-re-recover sa nagdaang bagyo, pinapayuhan natin ang lahat na maging habit po natin 'yung mag-monitor ng daily weather forecast na ipinalalabas ng PAGASA," sabi pa ni Perez.
Ellalyn De Vera-Ruiz