Umapela si Manila Mayor “Isko Moreno” Domagoso nitong Linggo, Disyembre 19, sa Insurance Commission na apurahin pagproseso ng insurance claims ng mga nasalanta ng Bagyong Odette.

“Ako po ay nananawagan sa Insurance Commission na pabilisin ang pag-proseso ng claim ng insurance para makatulong sa ating mga kababayan na nabiktima ng Bagyong Odette. Yung kanilang mga bahay at negosyo ay wasak, kaya kailangan maging mabilis ang aksyon ng mga insurance company,” ani Domagoso.

Sinabi ni Domagoso na ang pagpapabilis ng insurance claims ng mga biktima ay makatutulong sa kanilang muling pagtatayo ng kanilang bahay na nawasak dahil sa bagyo.

“Ito ay makakapagbigay ng tulong sa mga pamilyang nasira ang tahanan at negosyo sa kanilang mga lugar,” sabi ng alkalde.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Natuklap na mga bubong, pagbagsak ng mga puno at poste ng kuryente at malawakang baha sa maraming lugar ang naiulat kasunod ng marahas na hangin at malakas na pag-ulang dala ng Bagyong Odette.

Dapat magkaroon ng program ang pamahalaan na magbibigay ng kumpiyansa sa mga Pilipino sa panahon ng kalamidad at sakuna, giit ni Domagoso.

Aniya, “Irinaraos niyo ang buhay niyo, tapos iwawasiwas lang ng bagyo. Kailangan andyan ang gobyerno para magkaroon ng kapanatagan na meron siyang masasandalan, na yung tinanim niya, ano’t anong mangyari, meron siyang gobyernong masasandalan pagka oras ng delubyo, oras ng aberya.”

“Kasi mamumuhunan ka ng pera, ng panahon, ng lakas ng katawan, at naghihintay ka na lang ng ani, ng bunga, biglang darating yung bagyo. Wasak lahat yung hanapbuhay mo,” pagpupunto niya.

May kabuuang 208 katao na ang naiulat na nasawi dahil sa bagyo mula nitong alas-6 ng umaga, Lunes, Disyembre 20.

Mahigit 100,000 indibidwal pa rin ang nasa mga evacuation center karamihan sa Western at Central Visayas at CARAGA region.

Jaleen Ramos