Ipinadala na ng Philippine Navy (PN) ang kanilang mga naval asset at tauhan sa Caraga (Region 13) para sa aerial inspections at humanitarian assistance and disaster response (HADR) missions pagkatapos ng Bagyong Odette, sabi ng yunit nitong Linggo, Dis. 19.
Sa pamamagitan ng Naval Forces Eastern Mindanao, nagsagawa ng mga inisyal na aerial inspection sa Dinagat Island at Siargao sa Caraga nitong Biyernes upang masuri ang kalagayan ng mga apektadong komunidad, daungan at paliparan.
Ipinakita ng mga drone shot ng PN ang mga nawasak na kabahayan at mga pinatumbang puno sa San Jose, Dinagat.
Maging ang Lipata Port sa Surigao City ay hindi rin nakaligtas sa bagsik ng bagyo matapos masira ang bubong nito sa malakas na hanging dala ni Odette.
Nagkaroon din malawakang pagbaha sa Agusan Del Norte habang dalawang sea vessel ang sumadsad malapit sa bayan ng Tubay dahil sa maalon na lagay ng dagat sa kasagsagan ng bagyo.
Ang mga komunidad sa tabing dagat sa Dapa Channel sa Surigao del Norte ay nakatikim din ng lupit ni Odette.
Samantala, tumulak naman ang patrol craft BRP Hilario Ruiz (PC378) at BRP Rafel Pargas (PC379) para magdala ng 100 food packs na may tig-apat na litro ng tubig at 10 kahon ng bottled water sa Surigao City.
“The said contingent will also establish an advance command post in Surigao City for control and organization of the Navy’s HADR efforts in the area,” sabi ni Commander Benjo Negranza, tagapagsalita ng Philippine Navy.
Nag-ayos din ang mga tauhan ng patrol crafts ng charging station sa Dinagat Port para ma-charge ng mga residente at locally stranded individuals (LSIs) ang kanilang mga mobile device at makipag-ugnayan sa kanilang mga pamilya.
Ang ilan sa mga apektadong residente ay pinahintulutan ng mga tripulante na i-charge ang kanilang mga cellphone sa mga barko ng Navy.
Nagsakay ito ng 26 LSI patungo sa Nasipit, Agusan del Norte.
Martin Sadongdong