Sinimulan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang relief operations sa mga lalawigang sinalanta ng Bagyong Odette.
Sa isang pahayag, sinabi ng PCG na ang BRP Gabriela Silang (OVP-8301), ang pinakamalaki at offshore patrol vessel ng yunit, ay aalis sa Port Area, Manila ngayong araw upang maghatid ng relief items sa Surigao del Sur, Surigao del Norte, Dinagat Islands, Siargao Island, Southern Leyte, Cebu at Bohol.
Nitong Disyembre 18, sinimulan na ng PCG na i-deploy ang mga asset nito para tumulong sa rescue and relief operations na isinasagawa sa mga rehiyong tinamaan ng bagyo.
Ang BRP Sindangan (MRRV-4407) at BRP Cape San Agustin (MRRV-4408) ay ipinadala upang maghatid ng mga relief supply sa mga apektadong komunidad sa Mindanao habang ang BRP Bagacay (MRRV-4410), isa pang Parola-class patrol vessel, ay naka-deploy sa Davao para maghatid ng relief supplies.
Ang BRP Tubbataha (MRRV-4401) ay umalis na rin patungong Cebu para maghatid ng relief supplies, gasolina, kagamitan sa komunikasyon, at oil spill dispersants bilang tugon sa kahilingan mula sa Coast Guard District Central Visayas.
Ang BRP Nueva Vizcaya (SARV 3502), isang Ilocos Norte-class patrol boat, ay magdadala rin ng DSWD relief materials sa Negros Island, na sinalanta rin ni Odette.
Nagsagawa rin ng aerial inspection sa Kabangkalan City sa Negros Occidental ang PCG gamit ang Cessna plane nito.
Sinabi ng PCG na kasalukuyan itong tumatanggap ng monetary at relief goods donations. Tumatanggap din sila ng in-kind na donasyon tulad ng food packs, bigas, purified drinking water, kumot, tent, bitamina, toiletries, tsinelas at malinis na damit.
“Nanawagan po ang PCG sa lahat na gustong magpahatid ng tulong sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga relief goods. Maari din pong magpaabot ng cash donations sa pag-deposito sa Land Bank of the Philippines (LBP) account ng PCG Support System Foundation Inc […] Maaaring dalhin ang inyong in-kind donations sa Coast Guard Base Farola, Muelle dela Industria Farola Compound, Binondo, Manila,” sabi ng PCG.
Ang mga interesadong indibidwal ay maaaring magbigay ng mga donasyong pera sa mga sumusunod na detalye o tumawag sa kanilang mga contact number para sa mga katanungan.
Land Bank of the Philippines (LBP):
Account Name: PCG Support System Foundation Inc.
Account Number: 0281-1025-75
Contact details:
PCG Public Affairs – 0927 560 7729
PCG Civil Relations Service – 0977 642 6004
PCG Logistics Systems Command – 0927 852 3944
Faith Argosino