Hindi na nakaaapekto sa bansa ang bagyong 'Odette' matapos bawiin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang lahat ng tropical cyclone wind signals nitong Linggo, Disyembre 19.
Huling namataan ang bagyo sa layong 430 kilometro ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan o nasa labas na ng Philippine area of responsibility (PAR).
Nilinaw ng ahensya na taglay pa ng sama ng panahon ang lakas ng hanging 195 kilometro kada oras at bugsong hanggang 240 kilometro kada oras habang kumikilos pa-kanluran-hilagang kanluran sa bilis na 15 kilometro kada oras.
Gayunman, makararanas ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan sa Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, at Camarines Norte dulot na rin ng tinatawag na shear line.
Charie Mae Abarca