Kinasuhan na sa hukuman ang apat na pulis at isang kasabwat nilang naaresto ng mga awtoridad kaugnay ng pagnanakaw umano ng mga ito ng ₱30 milyon sa isang Japanese at kinakasamang Pinay sa loob ng kanilang bahay sa Brgy. Kapitolyo, Pasig City nitong Sabado ng madaling araw.

Isinampa sa hukuman ang kasong Robbery laban kina SSgt. Jayson Bartolome; Cpl. Merick Desoloc;PCpl. Christian Jerome Reyes at Pat. Kirk Joshua Almojera, pawang nakatalaga sa Taguig City Police Station; at si AJ Mary Agnas, 22, taga-Zone 5, Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City, at staff ng mag-partner na complainant na sina Joana Marie Espiritu, 26, at Kani Toshihiro, 42, kapwa taga- Sta. Elvira St., Brgy. Kapitolyo, Pasig, ayon kay Eastern Police District chief, Brig. Gen. Orlando Yebra.

Pinaghahanap pa ng mga awtoridad ang dalawang suspek na sina Ferdinand Fallaria na na-dismiss na pulis at dating nakatalaga sa National Capital Regional Police Office (NCRPO) at isang Rowel Galan.

Sa ulat ng Pasig City Police, ang insidente ay naganap sa bahay ng mga biktima dakong 12:10 ng madaling araw ng Sabado.

Metro

Mga deboto ng Jesus Nazareno na nangailangan ng atensyong medikal, pumalo sa 900<b>—Red Cross</b>

Sinasabing pinasok umano ng mga suspek ang bahay ng mag-asawa at tinutukan ang mga ito ng baril bago tinangay ang kanilang salapi na nagkakahalaga ng₱30milyon.

Nang tumakas ang mga suspek ay kaagad namang humingi ng tulong ang mga biktima sa mga pulis at nang matunton ang mga suspek ay nagkaroon ng sagupaan na ikinasawi niJhon Carlo Atienza, 30, taga-128 Zone 2, Brgy. Fort Bonifacio, Taguig City.

Nagawang maaresto ng mga pulis ang limang suspek at narekober sa kanila ang₱10 milyon na bahagi ng kanilang tinangay.

Bukod dito, nasamsam din ng mga awtoridad ang apat na baril ng mga suspek.

Mary Ann Santiago