Hindi maitatago na naging malapit din si "Janice" sa pamilya Maguad. Katunayan, ang isa sa mga biktima na si Crizzle Gwynn ang nag-udyok sa kanyang mga magulang na patirahin si Janice sa kanilang bahay.
Ayon kay Lovella Maguad, ina ng mga biktima, inalagaan ni Crizzle Gwynn si Janice at itinuring niya ito bilang tunay na kapatid. Ibinigay rin umano ni Crizzle Gwynn ang pangangailangan ni Janice at sinuportahan nila ito.
Binigyan din umano nila ng assurance si Janice na pag-aaralin nila ito hanggang sa kolehiyo.
Hindi lamang si Crizzle Gwynn ang tumuring kay Janice bilang kapatid kung hindi maging ang isa ring biktima na si Crizville Luois, ayon sa ama na si Cruz Maguad, ibinigay nito ang kanyang kuwarto para kay Janice at piniling matulog sa sala.
Ang suspek na si "Janice" ay isang working student na nakatira sa bahay ng mga Maguad simula noong Hulyo 2021. Nagpaalam ang biktima na si Crizzle Gwynn sa kanyang mga magulang na patirahin si Janice sa kanilang bahay dahil umalis umano ito sa tita niya.
Noong una ay ayaw ni Lovella dahil ayaw niyang makigulo sa kung anuman ang problema sa pagitan noong tita at ni Janice. Pero kalaunan ay tinanggap niya ito dahil naaawa rin ito kay Janice.
Sa panayam ng "Sky Teleradyo M'lang" noong Disyembre 14, sa mga magulang ng mga biktima, sinabi ni Lovella, wala naman silang nakitang hindi kaaya-aya kay Janice noong una.
"So far at first she's nice and she's very respectful actually. Kapag nakikita niyang dumadating ako, tinutulungan niya ako sa mga bitbit ko tapos nagble-bless siya. Kapag sa bahay naman okay siya, nagluluto siya pati na rin sa umaga," kuwento ng ina ng mga biktima.
"And then lately lang, ang napansin ko sa kanya nung mga last two weeks siguro. Parang wala na siya natatrabaho dito sa bahay and nagcomplain ako sa kanila--bakit ang laundry ang taas at yung kwarto niyo sobrang dumi, sabi ko ano ba ginagawa niyo.'Yung mga ref hindi nalilinisan pati na rin yung cabinet," aniya pa.
"So silang tatlo yung pinagsabihan ko, ikaw boyboy anong ginagawa mo pati ikaw ate, then sabi ko i-cut muna yung time mo dyan sa laptop mo kasi parang nauubos na yung time niya sa laptop. Sabi ko dapat maglaan ka ng time in the morning to do the housework..." paglalahad pa ni Lovella.
"Tapos napansin ko sa kanya [Janice], ang ginagawa niya nalang ay magluto. Pagkatapos niya magluto dumidiretso na agad sa kanyang kwarto. Sa gabi, tatanungin niya ako kung gagamitin ko ba ang laptop sabi ko hindi naman. Ganoon na yung nangyayari every night. Nag-iba siya," ayon sa ina.
Noong Disyembre 3 at 4, sinama ni Lovella ang kanyang pamilya maging si Janice patungong General Santos kasama nila ang mga kapwa guro nito.
Dumating sa punto na mayroong picture taking na kung saan umamin si Lovella na ayaw niyang pasamahin si Janice sa naturang picture.
"And then noong picture taking, during that time I didn't want na magjoin siya sa amin," pahayag ni Lovella na naramdaman niyang na "feel bad" si Janice.
"Sabi ko, Nice kami na munang apat tapos later ka na magselfie ka lang muna. Sa dami naming pictures, dalawa lang yung wala siya. Which is siguro naiba yung feeling niya,"
Dumating din ang punto na hindi niya gustong sumama si Janice.
"Nahurt siguro siya. Inapply na niya siguro na she is already part of the family," aniya pa.
Nitong Disyembre 16, umamin si Janice na siya ang pumatay sa magkapatid na Maguad nang dahil sa selos at inggit kay Crizzle Gwynn.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng Social Welfare and Development Office sa M’lang, North Cotabato si Janice dahil ito ay menor de edad at nahaharap sa kasong murder.Samantala, patuloy pa rin hinahanap ng mga pulis ang isa pang kasamahan ni Janice.