Sinusuri na ng Department of Health (DOH) ang mga ulat ng posibleng pagkasira ng bakuna laban sa COVID-19 sa mga lugar na apektado ng Bagyong Odette.
“In terms of the wastage, we are trying to get more reports,” sabi ni DOH Undersecretary Myrna Cabotaje sa isang public briefing nitong Sabado, Dis. 18.
“The comm[unications] are down. We are coordinating with the OCD (Office of Civil Defense), even our military para makita natin kung ano iyong ating mga kalagayan ng ating mga vaccines,” dagdag niya.
Sabi ni Cabotaje na “we may have some vaccines that have been compromised because of power outages.”
Gayunpaman, pinunto ng opisyal na handa ang mga namamahala sa cold chain facilities sa mga ganoong pangyayari.
“Alam naman ng ating mga cold chain managers iyong ating mga bakuna center kung ano ang gagawin,” sabi ni Cabotaje.
“But just in case pag-monitor nila four times a day eh nagpa-fluctuate na hindi ma-maintain iyong temperature, ang aming directive sa kanila ibakuna na kung puwedeng ibakuna ang mga iyan,” dagdag niya.
“But always, safety ang effectiveness ang ating basehan. So if they are sure na safe iyong vaccine, ibakuna nila; kung hindi itago na lang, i-quarantine para i-assess natin,” pagpapatuloy nito.
Sa naganap na press briefing sa Palasyo nitong gabi ng Biyernes, umapela si DOH Secretary Francisco Duque III sa Department of Energy (DOE) na agad na ibalik ang linya ng kuryente sa mga lugar na apektado ng bagyo.
“Ginagamit ko po ang pagkakataong ito na makiusap sa Department of Energy na siguraduhin ang atin pong restoration ng mga power lines,” ani Duque.
“Ang kuryente ay napakamahalaga po lalo na dito po sa mga lugar kung saan nandoon po ang ating mga logistics for our vaccination program,” dagdag niya.
Analou de Vera