Wala nang pasyente ng COVID-19 ang apat na ospital sa Maynila, ayon sa lokal na pamahalaan ng lungsod.
Nakapagtala ng zero active cases ang Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital (JJASGH), Ospital ng Sampaloc at Ospital ng Maynila.
Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang patuloy na pagpupulong sa mga direktor ng ospital sa lungsod upang talakayin ang paghahanda ng pamahalaang lungsod laban sa COVID-19 Omicron variant.
Ang pagpupulong ay dinaluhan ni city health officer Dr. Arnold Pangan, katuwang ng city health officer na si Dr. Ed Santos, at ang mga direktor ng anim na district hospital.
Kasama rin sa miting sina Gat Andres Bonifacio Medical Center director Dr. Ted Martin; Ospital ng Tondo director Myrna Paloma, Justice Jose Abad Santos General Hospital director Dr. Merle Faustino-Sacdalan, Ospital ng Sampaloc director Dr. Aileen Lacsamana, Sta. Ana Hospital director Dr. Grace Padilla at Manila COVID-19 Field Hospital director Dr. Arlene Dominguez.
Ayon sa Manila Public Information Office (PIO), wala pang naitatalang kaso ng Omicron variant sa lungsod sa kasalukuyang 84 na aktibong kaso ng COVID-19.
Mayroong anim na active cases ang Gat Andres Bonifacio Medical Center, siyam sa Sta. Ana Hospital at sampu sa Manila Field Hospital Luneta.
Mula Dis. 17, nakapagtala ang Maynila ng kabuuang 91,318 cases, 89,491 recoveries at 1,743 deaths.
Cherrylin Caacbay