Nagbabantang humagupit ang bagyong 'Odette' sa Palawan habang tinatahak nito Sulu Sea nitong Biyernes, Disyembre 17.
Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), huling namataan ang bagyong may international name na "Rai" sa layong 90 kilometro timog-timog kanluran ng Cuyo sa Palawan.
Patuloy itong kumikilos pa-kanluran sa bilis na 25 kilometro kada oras, taglay ang hanging nasa 155 kilometro kada oras malapit sa gitna at bugso na hanggang 215 kilometro kada oras.
“Moving generally westward, the typhoon is forecast to make landfall in the vicinity of northern or central portion of Palawan this afternoon (Dec. 17), re-emerge over the West Philippine Sea tonight (Dec. 17), and pass in the vicinity of Kalayaan Islands tomorrow (Dec. 18),” banggit ng PAGASA.
Sinabi ng ahensya, walong beses nang tumama ang bagyo sa mga lugar sa Visayas at Mindanao simula nitong Huwebes ng hapon, Disyembre 16 hanggang nitong Disyembre 17 ng madaling araw.
Isinailalim pa rin sa Signal No. 3 ang northern portion ng Palawan, kabilang ang Cagayancillo at Cuyo Islands, southern portion ng Iloilo, at southern portion ng Antique.
Nananatili naman sa Signal No. 2 ang southern portion ng Oriental Mindoro, southern portion ng Occidental Mindoro, western portion ng Romblon, central portion ng Palawan, kabilang ang Kalayaan at Calamian Islands, Aklan, Capiz, nalalabing bahagi ng Iloilo, nalalabing bahagi ng Antique, Guimaras, northern at central portion ng Negros Oriental, at Negros Occidental.
Nasa Signal No. 1 naman ang Masbate, kabilang na ang Ticao at Burias Islands, Marinduque, southern portion ng Quezon, nalalabing bahagi ng Occidental Mindoro, kabilang ang Lubang Islands, nalalabing bahagi ng Oriental Mindoro, nalalabing bahagi ng Palawan, Romblon, Batangas, Cebu, kabilang ang Bantayan at Camotes Islands, Bohol, Biliran, western portion ng Leyte, western portion ng Southern Leyte, Siquijor, northern portion ng Zamboanga del Norte, at northern portion ng Misamis Occidental.
Sa pagtaya ng PAGASA, posibleng lumabas na ng bansa ang bagyo sa Sabado ng umaga.
Ellalyn De Vera-Ruiz