Sa masusing pagpapasya ng mga eksperto, kanselado na ang Miss World 2021 finals na inisyal na nakatakda ngayong umaga ng Biyernes, Dis. 17, oras sa Pilipinas.
Kasunod ng halos isang buwang preliminary activities ng Miss World competition sa Puerto Rico mula Nobyembre, isang biglaang pag-urong sa final coronation ang gumulat sa pageant fans nitong Biyernes.
Sa press release na nilabas ng organisasyon, tiniyak nito na itutuloy pa rin ang naturang kompetisyon subalit mangyayari ito sa susunod pang tatlong buwan.
“Miss World 2021 temporarily postpones global broadcast finale in Puerto Rico due to health and safety interest of contestants, staff, crew and general public,” pahayag ng organisasyon.
“The finale will be rescheduled at Puerto Rico Coliseum Jose Miguel Agrelot within the next 90 days,” dagdag nito.
Bago ang desisyon, ilang kandidata ang napabalitang nahawa ng coronavirus disease (COVID-19) kabilang ang delegada ng Indonesia na inisyal na inanunsyong hindi mapapabilang sa finals night.
Matapos ang pagpupulong sa pagitan ng Puerto Rico Health Department at ng mga eksperto mula sa MWO, ipinagpaliban ang global broadcast ng final coronation ilang oras lang bago ang sana'y paglunsad nito.
Sa kabila ng pag-iingat ng mga tauhan, kandidata at mga sangkot na indibidwal sa production team, nagtala pa rin ng dagdag na mga positibong kaso sa kanilang hanay kaya't tuluyan nang kinansela ang global broadcast.
“As of yesterday, additional safety measures were implemented in the best interest of the contestants, production team and spectators, understanding the event increased risks on the stage and in the dressing room. However, after additional positive cases were confirmed this morning after consulting with health officials and experts, the postponement decision was made,” sabi ng Miss World.
Dahil dito, inaasahang babalik ang mga delegada sa kanilang mga bansa sa oras na payagan ng health officials ng Puerto Rico.
“We are very much looking forward to the return of our contestants, (who we have grown to know and love), to compete for the Miss World crown” ani Julia Morley, chief-executive-officer ng Miss World.
Si Tracy Maureen Perez ang manok ng Pilipinas sa presihiyusong international pageant.
Samantala, ilang Pinoy pageant fans ang nadismaya sa biglaang anunsyo lalo pa’t inaabangan din ang magiging performance ni Tracy na una nang nagpasiklab sa ilang fast track activities.
Basahin: FULL TRANSCRIPT: Nakakaantig na talumpati ni Tracy Maureen Perez sa Miss World H2H Challenge – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid; Kandidata ng Pilipinas sa Miss World, wagi sa ‘Head to Head Challenge’; pasok na sa Top 30 – Balita – Tagalog Newspaper Tabloid