Tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno nitong Huwebes na magiging masaya ang Pasko ng mga pamilyang Manilenyo.

“Walang malungkot na Pasko sa pamilyang Manilenyo. Ayokong danasin ninyo ang dinanas ko,” ayon pa kay Moreno, kasabay nang pagtiyak na ang “Noche Buena” food packages na inilaan ng pamahalaang lungsod sa bawat tahanan ay makakarating sa kanila bago mag-Pasko.

“Itatawid namin kayo ni Vice Mayor Honey Lacuna. Walang magugutom, walang malungkot na bahay pag Pasko,” pahayag pa ng alkalde.

Ayon sa alkalde, tiniyak niya na ang mga Christmas packs ay maglalaman ng mga basic food items na karaniwan nang hinahanda tuwing bisperas ng Pasko at ito ay ipinamahagi sa bawat tahanan upang matulungan ang mga pamilya na kapos ang budget na panghanda sa kanilang Noche Buena.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

“Inagahan na namin para wala nang agam-agam na me handa ba ‘ko sa Pasko? Ano ba uunahin ko, regalo sa anak o kakainin sa Pasko? Mahirap ‘yung nagpa-Pasko ang kapitbahay mo tapos wala kang maihain sa mga anak mo.Ayoko mangyari sa inyo ‘yun,” aniya pa.

Nabatid na may 700,000 pamilyang Manilenyo ang binahaginan ng mga Christmas packages ng lokal na pamahalaan.

Aniya pa, nais nila ni Lacuna na maipadama sa mga Manilenyo na mayroon silang gobyerno na kumakalinga sa kanila, lalo na sa mga kapos sa buhay.

“Lalo pag holiday, gusto mo maramdaman walang magugutom sa Maynila. Para maramdaman na kahit pa ano ang mangyari, me mapagsasaluhan kayo sa Pasko,” anang alkalde.

Idinagdag pa nito na: “Ang nanay ko, bibili ng Coke litro,panis na hotdog sa Divisoria at slices ng hamon o ‘yung talsik. Ayokong danasin n’yo ‘yun.Mahirap maging mahirap.”

Samantala, sinabi ni Moreno na ang 150,000 senior citizens sa Maynila ay tatanggap din ng Christmas packs na naglalaman ng cookies, mug, premium hot cocoa mix atblack rice mula sa mga magsasaka sa Mindanao.

Mary Ann Santiago