Ibinahagi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje na mas maraming indibidwal ang nais na mabakunahan ng COVID-19 vaccine ng Pfizer para sa kanilang booster dose.

Matatandaang una nang pinayagan ng pamahalaan ang mga magpapaturok ng booster shots na mamili ng bakunang nais nilang iturok sa kanila.

“In terms of brand preference, marami pa rin ‘yung nagre-request ng mRNA, particularly Pfizer, ‘yun sa booster especially,” ayon kay Cabotaje, sa isang Laging Handa briefing nitong Huwebes.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang mRNA vaccines ay nagtuturo sa ating mga cells kung paano gumawa ng protina na magti-trigger sa immune response sa loob ng ating katawan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Kaugnay nito, hinikayat naman ni Cabotaje ang mga mamamayan na hindi pa nakakatanggap ng kanilang primary vaccines na magpaturok na anumang brand ng bakuna ang available, upang magkaroon sila ng proteksiyon laban sa COVID-19.

“But, doon sa mga ibang first dose at second dose, sana kung ano ang available na bakuna, ‘yun na rin ang kunin nila,” aniya pa.

Sinabi ni Cabotaje na sa ngayon ay mayroon silang available na Sinovac, AstraZeneca at Sputnik V para sa primary vaccines.

“So, mayroon tayong Sinovac, AstraZeneca, at saka Sputnik V, and then, later on, they can have the booster of their choice after six months for the two-dose vials and after three months sa Johnson & Johnson,” dagdag pa ni Cabotaje.

Base sa datos ng DOH, hanggang nitong Disyembre 15, umaabot na sa 932,197 indibidwal ang naturukan na ng booster shot laban sa COVID-19.

Mary Ann Santiago