Nakauwi na sa Pilipinas si Miss Universe Philippines Beatrice Gomez nitong Disyembre 15 ng gabi.
Dahil isang Navy reservist si Bea, mainit siyang sinalubong ng mga miyembro ng Philippine Navy sa airport. Hindi man siya pinalad na masungkit ang korona at trono, ipinagmamalaki pa rin siya ng mga Pilipino dahil lumaban siya nang mahusay hanggang sa abot ng kaniyang makakaya, hanggang Top 5.
Nakasama ni Bea sa Top 5 sina Miss Paraguay, Miss South Africa, Miss Colombia, at Miss India na siya namang nag-uwi ng korona at titulong 'Miss Universe 2021'.
Dumating si Bea bago mag-7:00 sa NAIA Terminal 3 lulan ng Turkish Airlines mula sa Tel Aviv, Israel. Hindi na nagsagawa ng media conference dahil kinakailangan niyang sumailalim kaagad sa quarantine.
“Thank you so much for the love and support. Mabuhay po kayong lahat. Thank you sa lahat ng sumusuporta sa akin sa Miss Universe journey ko, I won’t be able to make it to top 5 if not for your support,” pasasalamat ni Bea sa sambayanang Pilipino.
Batay naman sa Miss Universe Organization, niluluto na nila ang motorcade para kay Bea bilang pagpaparangal at pagpapasalamat sa kaniya.