Inamin ni Derek Ramsay na bagama't patindi nang patindi ang mga prank sa kaniya ng misis ni Ellen Adarna, hindi naman ito nakakaapekto sa kaniya upang mapikon at pagmulan pa ng away nila ng misis.

Ayon sa panayam kay Derek ni Morly Alinio noong Disyembre 12 na umere sa DZRH, sa pre-wedding at preparasyon pa lamang ay wala silang ka-pressure-pressure ni Ellen at nagsu-swak naman ang mga trip nila sa buhay.

“Nagpaplano pa lang ng wedding, usually nagpi-prepare ka, nai-stress kayo, nag-aaway kayo dahil sa preparations. Pero sobrang relaxed talaga namin ni Ellen. Sobrang comfortable,” nakangiting tugon ni Derek.

Matapos daw ang kasal at nagsama na sila bilang mag-asawa, talagang smooth-sailing daw ang lahat.

Matet De Leon, ibinuking kung anong klaseng ina si Nora Aunor

“Wala kaming away. Sobrang positive ang energy dito sa bahay. Parang Big Brother lang, ano?" aniya.

“Masaya talaga dito sa bahay, kaming mag-asawa, kaibigan, pamilya. Masaya talaga kami dito sa bahay. Kuntento na kami dito sa bahay para safe. Nandiyan ang coronavirus. Gusto lang namin dito sa bahay,” dagdag pa niya.

Baka nga raw tumulak sila ni Ellen kasama si Baby Elias sa Africa para sa honeymoon nila. Sa Enero 2022 daw ang balak nila kaya dasal nila, sana humupa na ang Omicron variant ng COVID-19 para ma-enjoy naman nila ang bakasyon. Si Austin naman ay may schooling kaya hindi ito makakasama.

Sa panayam ding ito, pinabulaanan din ni Derek na buntis na ang kaniyang misis.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2021/12/15/derek-at-ellen-magkaka-baby-na-ba-talaga-baby-boy-sana/

Ikinasal sina Derek at Ellen nitong Nobyembre 2021.