Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules, Disyembre 15, na may dalawang naitalang kaso ng Omicron variant ng COVID-19 sa Pilipinas, mula sa 48 samples na sumailalim sa pagsusuri nitong Martes.

Sa joint statement ng DOH at University of the Philippines - Philippine Genome Center (UP-PGC) at University of the Philippines - National Institutes of Health (UP-NIH), nagmula umano ito sa isang returning overseas Filipino worker o OFW at isang dayuhan na Nigerian national.

"The two Omicron variant cases are incoming travelers and are currently isolated in a facility managed by the Bureau of Quarantine (BOQ)," pahayag ng DOH.

Ang returning overseas Filipino ay nagmula sa Japan na dumating sa Pilipinas noong Disyembre 1 sakay ng Philippine Airlines na may flight number PR 0427. Nakuha ang sample noong Disyembre 5.

National

PBBM, balik-trabaho na? 2025 Nat'l Budget, muling pinag-aaralan

Nakuha ang kaniyang positive result noong Disyembre 7at agad siyang inadmit sa isolation facility sa kaparehong petsa. May ubo at sipon umano siya nang dumating sa Pilipinas, ngunit sa kasalukuyan ay asymptomatic na umano.

Ang Nigerian naman ay dumating sa Pilipinas noong Nobyembre 30 lulan ng Oman Air na may flight number WY 843.Nakuha ang sample niya noong Disyembre 6 at lumabas ang positive result noong Disyembre 7. Agad siyang dinala sa isolation facility sa kaparehong petsa. Sa kasalukuyan, siya umano ay asymptomatic.

Sa mensaheng ipinadala DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa mga reporters, tiniyak nilang nasa quarantine facility ang dalawa simula nang sila ay dumating sa PIlipinas.

"In the quarantine facility…We have separate facilities for quarantine and isolation. One is fully vaccinated and the other is not vaccinated," aniya.

Nagsasagawa na rin ng contact tracing ang DOH sa mga pasaherong nakasalamuha ng dalawa sa flights.

"Getting the manifest kami (We're getting the manifest), we will inform all of you as soon as we have further details," pahayag ni Vergeire.