Hinimok ng isang grupo ng mga guro ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na ihinto ang plano nitong ilunsad ang bagong disenyo ng P1,000 bill, isang hakbang na umani ng batikos mula sa iba’t ibang sektor.
Nagpahayag ng pagtutol ang Teachers Dignity Coalition (TDC) sa desisyon ng BSP na gumawa ng bagong disenyo para sa banknote.
Patuloy na inuulan ng kontrobersya ang hakbang ng BSP na palitan ang kasalukuyang P1,000 bill kung saan tampok ang tatlong bayaning Pilipino noong World War II na sina Jose Aad Santos, Vicente Lim at Josefa Llanes Escoda ng isang isang Philippine eagle.
“Higit pa sa Agila, ang mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bayan ang sumasagisag sa Pilipinas bilang isang bansa,” sabi ni TDC National Chairperson Benjo Basas.
“Huwag niyo nang ituloy ang plano ninyong iyan,” dagdag niya.
Nauna nang inihayag ng BSP na ang bagong disenyo ng P1,000 bill ay bahagi ng bagong serye na tututok sa “fauna and flora in the Philippines.” Ito ay nakatakdang ilunsad sa Abril 2022.
Nangangamba ang TDC na ang pagtanggal sa mga bayani ay lalong makapaghihiwalay sa mga Pilipino sa kanilang pinagmulan.
Ipinunto ni Basa na “tinanggal” ng Department of Education (DepEd) ang pagtuturo ng Kasaysayan ng Pilipinas sa high school.
Paratang ni Basas, “inalis” din ng Commission on Higher Education (CHED) ang Wika at Literatura ng Filipino bilang mga asignatura sa general education curriculum sa kolehiyo.
“Ngayon naman ay binura ng BSP ang alaala ng tatlong martir ng World War II sa isanlibong piso,” sabi ni Basas.
Para kay Basas, tila “talagang plano ng gobyerno na ilihis” ang mga kabataan at mamamayan sa tunay na kasaysayan ng bansa at pahinain ang kanilang pagmamahal sa bayan.
Aniya pa, “Gusto yata talaga ng gobyerno na ihiwalay ang Pilipino sa kanyang kakanyahan at lumimot sa kanyang nakaraan.”
“Kaya naman nanawagan siya na huwag nang ituloy ng BSP ang plano nito,” pagpupunto nito.
Kasama ng TDC, si Basas – isang guro sa pampublikong paaralan na nagtuturo ng Araling Panlipunan at Filipino sa Caloocan High School – ay nananawagan para sa pagpapanumbalik at higit pang pagpapalakas ng pagtuturo ng Kasaysayan ng Pilipinas at Wika at Panitikan ng Filipino sa lahat ng antas ng edukasyon sa bansa.
Merlina Hernando-Malipot