Pinag-iingat ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo ang mga kababayan sa Eastern Visayas sa nakaambang pananalasa ng bagong Odette sa naturang lugar.
"Sa ating mga kababayan sa Eastern Visayas at iba pang lugar na maaapektuhan ng #OdettePH: Maging handa, kalmado, at alerto po tayo," tweet ni VP Leni nitong 7:38 Pm ng Disyembre 14.
Nanawagan siya na laging sumunod ang lahat sa lokal na pamahalaan.
"Sumunod sa mga patakaran at panawagan ng inyong lokal na pamahalaan, lalo na kung kailangang lumikas. Mag-iingat po kayong lahat."
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa Philippine Area of Responsibility (PAR) na ang tropical depression at ngayon ay tropical storm na si Rai, o binigyan ng pangalang 'Odette'.
Pinaghahanda ni PAGASA weather specialist Chris Perez hindi lamang ang Visayas kundi maging ang Mindanao.
Sa Miyerkules, Disyembre 15, mararamdaman na umano si Odette bilang isang typhoon. Inaasahan umano ang landfall nito bandang Huwebes ng hapon o gabi kaya maging alerto lamang at sumubaybay sa weather forecast ng PAGASA o mga balita sa iba't ibang media.