Napaluha na lang ang ama ng mga biktimang sina Crizzle Gwynn, 18 taong gulang at Crizville Luois Orbe Maguad, 16, ito'y matapos saksakin at pagmartilyuhin sa loob mismo ng kanilang bahay sa Barangay Bagontapay, M'lang North Cotabato nitong nakaraang Disyembre 10.
Basahin: 2 anak ng principal, dedo sa saksak at martilyo
Sa panayam ng "Newsline Philippines," nais ng ama ng biktima na bigyang hustisya ang pagkamatay ng kanyang mga anak.
Humihingi na rin ito ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte upang mas mapabilis ang paghahanap ng posibleng salarin.
"Ang nais ko lang Sir, kasi di na mabalik ang buhay ng mga anak ko, hindi ko na sila mayakap at di ko na sila makita na masaya. Please send me someone, kung sino man makapagbigay samin ng hustisya sa lalong madaling panahon para man lang kumalma kami at mabawasan yung sakit na aming nararamdaman," ani Cruz Maguad, ama ng mga biktima.
Kaugnay dito, nasa kustudiya naman ngayon ng Social Welfare and Development Office sa Mlang, North Cotabato si "Janice" na siyang nakaligtas at siya ring huling kasama ng dalawang estudyante.
Wala pang opisyal na pahayag ang pulisya ng M'lang, pero mahigpit naman ang pagbabantay kay "Janice" na maituturing na person of inteterest at material witness sa naturang krimen.
Nawala rin umano ang cellphone ni Crizzle Gwynn maging ang ginagamit na cellphone ng witness.
Panawagan ng bise alkalde sa lahat na makipagtulungan sa mga awtoridad kung may mga impormasyon man upang agad na mabigyan ng hustisya ang magkapatid lalo na ang kanilang mga naulilang magulang.
Sa video rin ng Newsline Philippines, ang tenga ni Crizzle Gwynn ay hiniwa at makikita rin na ang katawan nito ay puro pasa na posible umanong lumaban ito sa suspect. Ang katawan ni Crizville Louis ay natagpuan mismo sa labas ng kanilang bahay samantalang ang katawan ni Crizzle Gwynn ay natagpuan sa loob.
Umabot naman sa P500,000 ang pabuyang ibibigay sa mga makakapagturo sa mga suspek na pumatay sa magkapatid na Maguad.
Matatandaang, unang nagbigay ng Php200,000 na pabuya ang Sangguniang Bayan ng M'lang sa pamamagitan ni Vice Mayor Joselito Piñol para sa reward money, habang dagdag na Php50,000 na pabuya naman ang mula kay Tulunan Mayor Pip Limbungan.
Ngayon dinagdagan na rin ito Php250,000 ng M'lang Mayor Russel Abonado para sa mabilis na paghuli ng suspect.
Samantala, inulan rin ang pakikiramay ang pamilya Maguad mula sa netizens dahil sa sinapit ng magkapatid.