Hinikayat ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga mamamayan na samantalahin ang ipinaiiral na amnestiya ng lokal na pamahalaan at ayusin na ang kanilang ordinance violation receipts (OVR).
Kaugnay nito, nagpaalala rin si Moreno, na siya ring presidential candidate ng partidong Aksiyon Demokratiko sa May 9, 2022 national elections, na ang deadline para sa amnestiya ay hanggang sa Disyembre 31 na lamang.
“’Yung mga nahuli sa traffic, nakapaloob pa rin sa amnesty hanggang December 31, so better grab the opportunity,” ayon pa kay Moreno.
Nauna rito, nabatid ni Moreno mula kay Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) director Dennis Viaje na marami pang motorista ang hindi pa nagbabayad ng kanilang mga penalty, tatlong buwan matapos ianunsyo ng lokal na pamahalaan ang pagbibigay ng amnestiya.
Anang alkalde, lagi silang nagkakasunod ni Vice Mayor Honey Lacuna sa pagdedesisyon sa pagbibigay ng amnesty dahil gusto nilang magkaroon ng disiplina ang mga mamamayan.
“Hindi ko gusto na nagkakaroon ng pondo ang Maynila dahil sa mga paglabag sa batas-trapiko. Lagi tayong nag-iisyu ng amnesty dahil ang gusto ko lang ay kusang disiplina. Nais din naming iparamdam sa inyo na me gobyernong umuunawa sa inyong lahat,” dagdag pa niya.
Nabatid na ang nasabing amnesty ay nakapaloob sa city ordinance 8699, na nilagdaan niMoreno matapos na ipasa ng Manila City Council sa pamumuno ni Lacuna bilang presiding officer, majority floor leader Atty. Joel Chua at president pro tempore Jong Isip.
Anang alkalde, layunin rin ng amnestiya na tulungan ang mga motorista sa panahon ng pandemya.
Nanawagan din siya sa lahat ng mga motorista na iwasan na ang paglabag sa mga batas trapiko.
Samantala, inanunsyo ng alkalde na nilagdaan niya ang paglalabas ng mga insentibo para sa may 1,200 na traffic personnel ng MTPB.
Pinagkalooban rin sila ng premium rice bags bilang pagkilala sa kanilang tulong sa pamahalaang lungsod sa pamamahagi ng food packs sa may 700,000 pamilya sa buong panahon ng pandemya at maging sa pamimigay ng mga Christmas packages.
Mary Ann Santiago