Tinuligsa ni Senador Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes, Dis. 14 ang talamak na pagpuslit ng mga agricultural products sa Pilipinas sa kabila ng napakaraming batas at pakatakaran na inilatag upang matigil ito.

Sa naganap na hybrid public hearing ng Senate Committee of the Whole na pinamumunuan ni Senate President Vicente C. Sotto III, muling iginiit ni Lacson na panahon na para tapusin ng Bureau of Customs (BOC) ang kanilang pagsisikap na i-automate ang mga sistema nito para masugpo ang katiwalian na nagbigay0daan sa naturang smuggling.

“Ang legitimate, overregulated. Ang illegal, walang regulation,” sabi ni Lacson.

Sinabi ni Lacson na kung ang BOC ay magiging katulad ng ibang mga bansa kung saan ang lahat ng sistema ay ganap na automated, kakaunti ang tsantsa para sa panunuhol at smuggling.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

“That’s the ideal situation. Kung ganoon sana mangyari magdoble sana revenues natin,” sabi nito.

Sinang-ayunan ni Customs commissioner Rey Guerrero si Lacson habang sinabing ginagawa nilang “faceless and contactless” ang kanilang mga sistema.

Iginiit ng Senate National Defense and Security Committee na ang mga regulasyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno ay dapat na gawing matibay laban sa mga ilegal na sistema kagaya ng smuggling.

Samanatala, kinuwestyon din ni Lacson kung bakit may dalawang ahensya ang DA sa ilalim nito na naglalabas ng Sanitary and Phytosanitary Import Clearances (SPSIC) – ang National Meat Inspection Service (NMIS) at Bureau of Animal Industry (BAI) – kung ang NMIS lang ang may mandato na gawin ito.

“Kaya magulo, kasi masyadong maraming ahensya,” sabi ng senador.

“We cannot understand sa dami ng procedures, dadaan sa butas ng karayom, ang daming smuggling. Bakit ang daming carrots, broccoli at imported pork? Ito ang hindi namin maintindihan, lalo ng mga affected, they would never understand,” dagdag niya.

“Ang suspetsa ko, hindi inter-agency cooperation. Inter-agency conspiracy, kaya lumulusot,” dagdag niya.

Mario Casayuran