'Very low risk' na sa COVID-19 ang National Capital Region (NCR) at 13 lugar pa na sakop nito.
Ayon kay OCTA Research fellow Guido David, kabilang sa mga naturang NCR areas na idineklarang 'very low risk' sa virus ay ang munisipalidad ng Pateros at mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Mandaluyong, Parañaque, Marikina, Pasig, Navotas, Valenzuela, San Juan, Manila, Pasay, at Taguig.
Samantala, nasa low risk naman sa COVID-19 ang Muntinlupa, Quezon City, Malabon, at Makati dahil sa kanilang health care utilization rate.
Anang OCTA, regionally, ang Metro Manila ay nananatili pa ring very low risk sa virus matapos na makapagtala na lamang ng average na 91 bagong kaso ng impeksiyon mula Disyembre 6 hanggang 12.
“The NCR averaged just 91 new COVID-19 cases per day as of December 6 to 12. The incidence or [average daily attack rate] decreased to less than 1, at 0.64 per day per 100k, while the reproduction number was very low at 0.39. The test positivity rate was just 0.9%,” paliwanag ng grupo.
Sinabi ng OCTA na ang datos na ito ay kinuha nila sa Department of Health (DOH) DataDrop ngunit ang metrics na ginamit ay base sa covidactnow.org at hindi ang metrics na ginagamit ng Inter-Agency Task Force (IATF) at DOH.
Mary Ann Santiago