Kinilala ng Department of Health (DOH) nitong Lunes, Dis. 13 ang pamahalaang lungsod ng Caloocan matapos maabot ang 100 percent target COVID-19 vaccination.

Ang sertipiko ay natanggap ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan na ginawaran din para sa kanyang pakikilahok at tulong sa “Bayanihan Bakunahan National Vaccination Days” mula Nob. 29 hanggang Dis. 1.

“Ang mga sertipikong ito ay patunay na lubos ang ginagawang pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod upang mabakunahan ang mga mamamayan nito, maging sa mga kalapit na lugar, upang patuloy nating malampasan ang pandemya at magkaroon ng ligtas at protektadong pamayanan,” sabi ni Malapitan.

Kinilala rin ang City Health Department sa mabisang pagpapatupad nito ng vaccination program ng lungsod.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Noong National Vaccination Days, nagpadala ang lokal na pamahalaan ng vaccination team sa Obando Bulacan para tumulong sa COVID-19 vaccination nito.

Target ng lungsod mabakunahan ang 1.2 milyong indibidwal mula humigit-kumulang 1.7 milyong kabuuang populasyon nito.

Mula nitong Dis. 11, may kabuuang 2,092,723 na dosis ng mga bakunang COVID-19 ang naibigay sa lungsod.

Sinabi ng pamahalaang lungsod na 1,099,417 indibidwal ang nabigyan ng kanilang unang dosis habang 967,047 ang ganap na nabakunahan.

Mayroon ding 26,259 healthcare workers, mga senior citizen, mga taong may komorbidad, at mga nasa hustong gulang na nakakuha ng kanilang booster shots.

Aaron Homer Dioquino