Inanunsiyo ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos nitong Lunes na may 16 barangay na sa lungsod ang zero COVID-19 cases na ngayon.

Iniulat rin ng alkalde na isa lamang ang bagong kaso ng COVID-19 na naitala noong Linggo, Disyembre 12, ng City Health Department.

Ayon kay Abalos, patunay ito na epektibo ang kampanya ng lokal na pamahalaan laban sa virus, sa pakikipagtulungan na rin ng publiko. Nabatid na ang mga barangay na may zero cases ng COVID-19 ay ang Bagong Silang, Barangka Ibaba, Barangka Ilaya, Burol, Daang Bakal, Hagdan Bato Itaas, Hagdan Bato Libis, Harapin ang Bukas, Mabini-J. Rizal, Mauway, Namayan, Pag-asa, Pleasant Hills, Poblacion, San Jose, at Vergara.

Aniya, ang pagbaba ng mga COVID-19 cases sa lungsod ay resulta ng pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na makapagbakuna ng maraming residente, sa pakikipagtulungan na rin ng pribadong sektor, at pagtalima ng mga mamamayan sa umiiral na  minimum safety protocols na itinatakda ng Department of Health (DOH).

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kaugnay nito, umaasa rin naman ang alkalde na patuloy na bababa ang mga kaso ng sakit hanggang sa tuluyan nang maging COVID-19 free ang lungsod.

"We hope the number of active cases will continue to go down and hopefully we'll have zero cases in the near future," ayon kay Abalos. 

"That would be a great gift for everyone in the city - to be free from COVID-19," dagdag pa niya.

Patuloy rin namang hinikayat ng alkalde ang mga mamamayan na patuloy na magsuot ng face mask, maghugas at mag-sanitize ng kamay at panatilihin ang social distancing, kahit pa naabot na ng lungsod ang population protection. 

Mary Ann Santiago