Bilang pinakamalaki at pinakamasugid na pageant fanbase sa mundo, hindi maiwasan ng ilang Pinoy fans na maging kritiko sa performance ng sariling kandidata ng Pilipinas na si Beatrice Luigi Gomez sa preliminary round ng Miss Universe pageant nitong Sabado.
Dahil sa all-smile na pagrampa ni Bea sa parehong swimsuit at evening gown presentation, ilang fans ang nagpahayag ng puna sa pambato ng bansa sa prestihiyusong kompetisyon ngayong taon.
Kung papansinin ang naging performance ng dalawang pinakahuling Miss Universe titleholders mula sa Pilipinas na sina Pia Wurtzbach at Catriona Gray, isa sa naging susi ng kanilang tagumpay ang dynamic facial expressions habang rumarampa sa stage.
Tila nakulangan sa nabanggit na aspeto kay Bea ang Pinoy fans dahilan para naman ipagtanggol ito ng kanyang Miss Universe Philippines sister na si Miss Universe 2013 third runner-up Arialla Arida.
Sa kanyang magkasunod na tweet nitong Sabado, Dis. 11, ipinagtanggol ng former beauty queen ang pagrampa ni Beatrice na inihalintulad pa sa kanyang naging performance noon sa parehong preliminary round ng kompetisyon.
“Malinis. Pulido. Maaliwalas. Strong stage presence. Laban Bea!” ani Ariella.
Para sa kanya, wala siyang nakikitang mali sa piniling istilo ni Beatrice sa preliminary round..
“I remember during prelims I was smiling also the whole time with matching pa-shoulder and I didn’t even plan it that way siguro dahil sa kaba, excitement, hindi mo na rin malaman and there’s nothing wrong with that,” pagtitiyak ni Ariella.
Si Ariella ang ikaapat na Pinay na nagpanatili sa apat na taong Top 5 placement streak ng Pilipinas sa naturang kompetisyon mula taong 2010 hanggang 2013.