Tila isang mini-reunion ang naganap nang makasama ni Maja Salvador ang mga dating co-host sa musical variety show na 'ASAP Natin 'To', sa Christmas special ng TV5 na mapapanood sa Disyembre 18 at 19, 2021.
Si Maja ang isa sa mga host nito kasama ang isa pang 'Kapatid' na si Randy Santiago. Ang mga ASAP main hosts naman na nagbigay ng performance ay sina Ogie Alcasid, Regine Velasquez, Martin Nievera, at Gary Valenciano.
Matatandaang isa si Maja sa mga regular performer ng ASAP mula 2003 hanggang 2020.
Noong 2020 ay tuluyan nang umalis sa ABS-CBN si Maja upang gawin ang 'Sunday Noontime Live' o SNL na naging katapat ng ASAP. Ngunit makalipas lamang ng tatlong buwan ay natigbak na ito sa ere. ASAP naman ang pumalit sa time slot ng SNL bilang blocktimer.
Bukod sa ASAP, ang ilan pang mga shows ng ABS-CBN na napapanood na rin sa TV5 ay mga teleserye sa Primetime Bida gaya ng FPJ's Ang Probinsyano, Marry Me, Marry You, Viral Scandal, at La Vida Lena.
Si Maja naman ang isa sa mga bida ng sariling teleserye sa Primetime ng TV5 na 'Niña Niño'.
Naging bahagi rin si Maja ng 'DC 2021' ng Eat Bulaga at naging Dabarkads, na nitong Sabado, Disyembre 11, ay isinagawa na ang Grand Finals.
Freelance artist ngayon si Maja at nakisosyo sa kaniyang boyfriend na si Rambo Nuñez upag maitayo ang sariling talent management agency na 'Crown Artist Management' kung saan isa sa mga pambato nila ay ang bagong Kapusong si John Lloyd Cruz, na kasado na ang sitcom na 'Happy ToGetHer' kasama ang mga dating kasamahan sa Kapamilya Network gaya nina Miles Ocampo, Jayson Gainza, Janus Del Prado, at iba pa.