Nilinaw ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Eric Domingo na hanggang sa ngayon ay ang mga single doses na COVID-19 vaccines brands pa lamang na Jansenn at Sputnik Light, ang pinapayagan na makatanggap ng booster shots tatlong buwan matapos nilang makumpleto ang kanilang primary vaccination.

“Merong dalawang brand ng bakuna, 'yung Janssen at saka 'yung Sputnik Light na mga single dose, maaari na pong mag-booster three months after,” ayon kay Domingo, sa panayam sa radyo.

Sinabi ni Domingo na ang iba pang brand ng bakuna ay hindi pa binibigyan ng go signal upang magpa-booster shots kung wala pang anim na buwan matapos na makumpleto nila ang dalawang dose ng kanilang bakuna.

“Pero yung ibang mga bakuna natin, 'yung mga double dose, sa ngayon po ang ating experts ang pinapayagan ay six months after,” aniya pa.

Metro

Aso, nasagip matapos tumalon sa riles ng MRT-3 station

Ipinaliwanag ni Domingo na lumitaw sa mga pag-aaral na nagsisimula lamang mabawasan ang bisa ng mga naturang double doses na bakuna, matapos ang anim na buwan.

“Kasi doon pa lang naman nakikita na nagwe-wane o bumababa 'yung effect ng mga primary vaccination at sa ngayon, 'yun ang nakikita talaga nating magandang timing para magbigay ng booster,” dagdag pa ng FDA chief.

“Maganda pa ang proteksyon talaga until six months after. At before that ay hindi tayo nagmamadali na mabigyan ng booster. In fact, mas nagmamadali tayo na mabigyan dapat ang 50% ng mga Pilipino na wala pa kahit isang bakuna. Siguro mag-concentrate muna tayo doon sa unvaccinated,” aniya pa.

Nauna rito, sinabi ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na pinag-aaralan na ng pamahalaan na ibaba sa tatlong buwan na lamang ang interval period para makapagpa-booster shots na ang mga fully-vaccinated individual laban sa COVID-19.

Ani Duque, isusumite nila ang naturang panukala sa vaccine expert panel.

Matatandaang sinimulan ng pamahalaan ang pagbibigay ng boosters shots sa mga healthcare workers noong Nobyembre 17 habang ang mga seniors at immunocompromised individuals ay nagsimulang makatanggap ng boosters shots noong Nobyembre 22.

Inaprubahan naman ng pamahalaan ang pagbibigay ng boosters shots sa iba pang fully-vaccinated adults noong Disyembre 3 lamang.

Mary Ann Santiago