Ibinida ni Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary Goddess Hope Libiran ang naka-engkuwentrong tapat na gasoline girl ng Petron Dela Laz Norte, San Fernando, Pampanga, sa pamamagitan ng kaniyang Facebook post nitong Disyembre 12, 2021.

May be an image of 1 person and standing
Joan Dulay (Larawan mula sa FB/Asec. Goddess Hope Libiran)

"Ito si Joan Dulay, gasoline girl sa Petron Dela Laz Norte, San Fernando, Pampanga. Bago kanina, huli akong nakapagpagasolina ng sasakyan sa kaniya noong isang buwan," salaysay ni Asec Libiran.

Mukhang namukhaan daw siya ng gasoline girl kahit na isang buwan na ang nakalilipas.

"Kanina, pagbaba ko ng bintana, agad n’ya akong tinanong: “Ma’am, kayo po ‘yung nagpa-full tank sa akin nung isang buwan diba?”

"Sabi ko: “Opo, Ma’am. Tinulungan mo pa nga akong magpahangin ng gulong, ‘di ba?”

"Halos mapatalon sa tuwa si Joan," tuwang-tuwa sabi ng gasoline girl at tumakbo sa kaniyang manager. Pagbalik umano ni Joan ay may bitbit na itong plastik ng yelo na may lamang pera. Iniabot nito sa kaniya ang plastik.

“Ma’am, nalimutan po ninyo ‘yung sukli ninyo noong huli kayong nagpa-gasolina. Buti na lang bumalik kayo! Hinihintay ko po talaga kayo para masauli ko po ito," sabi ni Joan

Naantig umano si Asec Libiran dahil kahit mahirap aniya ang panahon ngayon, hindi nagpatukso sa pera si Joan. Nanaig umano ang prinsipyo, pasensya at katapatan n’ya.

Kaya naman, sana raw ay dumami pa ang mga kagaya ni Joan at nagpaabot siya ng pagbati sa gasolinahan dahil sa pagkakaroon ng empleyadong kagaya ng tapat na gasoline girl.

"Sana dumami pa ang katulad mong matapat, Ma’am Joan! Saludo ako sa’yo! Petron Corporation, maraming salamat sa mga empleyadong gaya ni Ma’am Joan!"

As of this writing ay umabot na sa 11K ang reactions at 590 shares ang naturang Facebook post ni Asec. Libiran.