Isang espesyal na “Pamaskong Handog” ang ibibigay sa mga senior citizen sa lalong madaling panahon, inihayag ni Mayor Isko Moreno sa isang Facebook live nitong Biyernes, Dis. 10.
Ang bawat kahon ng regalo ay maglalaman ng isang premium hot cocoa mix, isang ceramic mug na may takip, isang pakete ng premium cookies, at isang maliit na bag ng black rice na inani ng mga magsasaka sa Mindanao.
Binanggit ni Moreno ang nutritional benefits ng black rice para sa kalusugan ng puso at mata, pagkontol sa asukal at diabetes at pagbibigay ng mga bitamina at nutrients.
Nauna rito, inilunsad ng Maynila ang programang “Pamaskong Handog" kung saan ipinamahagi ang mga Christmas food box sa bawat pamilya sa 435 barangay sa apat na distrito ng lungsod.
Kasama sa mga food box para sa mga pamilya ang mga corned beef canned goods, spaghetti moodles at sauce, keso, at canned fruit cocktail, at condensed milk.
Nagsimula ang paghahatid ng mga food box noong Dis. 5 sa 82 barangay sa District 1. Noong Dis. 8, umabot na ang pamamahagi ng pamahalaang lungsod sa 200 barangay.
Noong Biyernes, Dis. 10, 136 na barangay sa District 1, 122 barangay sa District 2 at 123 barangay sa District 3 ang nakatanggap na ng food boxes.
Patuloy ang pamamahagi ng food boxes sa 54 na barangay sa District 4.
Muli namang nagpasalamat si Mayor Isko Moreno sa Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), Department of Engineering and Public Works (DEPW), at Department of Public Services (DPS) sa pagtulong na maihatid ang mga “Pamaskong Handog.”
Tiniyak ng alkalde na walang magugutom at walang malungkot na pamilya sa Maynila sa darating na pasko.
Khriscielle Yalao