Nananawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng mga business owners sa lungsod na maagang iparehistro online ang kanilang mga negosyo para sa taong 2022.
Ayon kay Moreno, na siya ring standard bearer ng partidong Aksyon Demokratiko para sa 2022 national and local elections, prinoproseso na ni Office of Bureau of Permits Director Levi Facundo ang mga aplikasyon sa maagang panahon upang maiwasan ang kadalasang last minute rush.
“Hinihikayat ko ang lahat ng may business na magpre-register na bilang paghahanda sa nalalapit na 2022. Madami tayong kababayan abroad, nakabayad ng amilyar, online payment,” panawagan pa niya.
“Eto naman, business registration kaya please, para makaiwas kayo sa mahabang pila,” dagdag pa ng alkalde.
Nabatid mula kay Facundo na hanggang sa huling bahagi ng Nobyembre ay mayroon nang 53,000 negosyo na nakapagrehistro sa Maynila.
Bagama't sinabi ni Facundo sa kanyang ulat kay Moreno na maganda ang ipinapakita ng numero pagdating sa kabuuang bilang ng negosyo, sinabi nito na medyo mababa ang koleksyon dahil sa pagkaluging tinamo ng ilang malalaking negosyo at ang pumalit na negosyo dito ay hindi naman ganun kalaki.
Hinikayat rin ng alkalde sa mga business owners na bisitahin ang Go!Manila App na pinamamahalaan ni Electronic Data Processing head Fortune Palileo.
Tiniyak ni Moreno na ang nasabing app ay mabilis at kombinyenteng gamitin.
Para sa mga business renewal sa darating na Enero, inanunsyo ni Moreno na ang city government ay mag-o-operate sa mga malls tulad ng Lucky Chinatown, Robinson’s Manila, SM Manila, SM San Lazaro at Isetann, upang maiwasan ang mahabang pila at ma-accommodate ang mas maraming tao.
Samantala, sinabi ni Moreno na ang “Manila EntrePinoy StrEAT Food Festival” na ginawa sa Mehan Garden at nagtapos noong November 30 ay itinuloy sa Remedios Circle sa Malate, Manila.
Ang distribusyon naman ng mga Christmas food packages para sa lahat ng pamilya na naninirahan sa Maynila na umaabot sa 700,000 ay nakakalahati na kung saan 435 sa 896 barangay sa Maynila ang nabigyan na.
Pinasalamatan ni Moreno sina City Engineer Armand Andres, Manila Traffic and Parking Bureau head Dennis Viaje, social welfare department chief Re Fugoso at department of public services chief Kenneth Amurao para sa mabilis na distribusyon ng mga food boxes at sa loob lamang ng ilang araw ay natapos na ang pamimigay sa Districts 1,2 at 3.
“Salamat sa mga nasabing tanggapan na ating inatasan upang ihatid itong simpleng Pamaskong handog namin sa inyo. Walang magugutom sa Pasko,” pagtitiyak ng alkalde.
Mary Ann Santiago