Binalaan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang publiko kaugnay ng posibleng pagpasok sa bansa ng isa pang bagyo sa Lunes, Disyembre 13.
Sa pahayag ni weather forecaster Raymond Ordinario ng PAGASA, isang low pressure area (LPA) ang namataan sa labas ng Philippine area of responsibility (PAR) na posibleng maging bagyo.
Kapag tuluyang nakapasok sa bansa, papangalan itong "Odette."
Huling namataan ang LPA sa layong 2,000 kilometro silangan ng Mindanao at ito ay mabubuo bilang bagyo sa loob ng 48 oras.
Inaasahang papasok ito sa PAR sa Lunes o Martes, Disyembre 14, ayon pa sa PAGASA.
Malaki rin aniya ang posibilidad na humagupit ito Eastern Visayas o sa Caraga sa Huwebes, Disyembre 16.
“Ibig sabihin po niyan, pagdating ng Thursday, asahan na ang mga bugso ng hangin at malakas na pag-ulan sa silangang bahagi ng bansa, kasama ang Bicol Region. After that, tatawirin din itong bahagi ng Visayas. Affected din itong Mindanao, Mimaropa, and Calabarzon.As early as now,pinaghahandana po natin ang ating mga kababayan sa posibleng impacts nitong magiging bagyo na papasok sa PAR," pahayag naman ng isa pang weather specialist na si Benison Estareja, ng PAGASA.
Ito na ang ika-15 na sama ng panahon sa loob ng PAR, paliwanag pa ng PAGASA.
Ellalyn De Vera-Ruiz