Nasolo ng isang mananaya mula sa Laguna ang mahigit sa ₱83 milyong jackpot prize ng Mega Lotto 6/45 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Biyernes ng gabi.

Ayon kay PCSO Vice Chairperson at General Manager Royina Garma, matagumpay na nahulaan ng lucky bettor ang six-digit winning combination ng Mega Lotto 6/45 na 33-27-18-42-03-23 kaya’t napanalunan nito ang katumbas na jackpot prize na ₱83,757,220.80.

Sinabi ni Garma na ang lucky ticket ay nabili ng lucky winner sa Sta. Rosa City sa Laguna.

Upang makuha naman ang kanyang premyo, pinayuhan ni Garma ang masuwerteng mananaya na magtungo lamang sa punong tanggapan ng PCSO sa Mandaluyong City.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Kailangan rin aniya nitong magprisinta ng dalawang balidong government-issued ID at ang kanyang lucky ticket.

Nagpaalala rin si Garma sa lotto winner na ang lahat ng premyong lampas ng ₱10,000 ay subject sa 20% tax, alinsunod sa TRAIN Law.

Ang mga premyo naman aniya na hindi kukuhanin ng nanalo sa loob ng isang taon mula sa petsa ng pagbola dito ay ikukonsidera na nilang forfeited alinsunod sa Republic Act 1169.

Kaugnay nito, hinikayat rin ni Garma ang mga mamamayan na patulong na tangkilikin ang PCSO games upang magkaroon ng tiyansang maging susunod na instant milyonaryo at makatulong pa sa kawanggawa.

Mary Ann Santiago