Inihayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na tututukan ng pamahalaan ang limang rehiyon sa bansa na may mababang vaccination rate status, sa ikakasa nilang ikalawang COVID-19 vaccination drive sa susunod na linggo.
Binanggit ni Vergeire, kabilang sa mga lugar ang Regions 3 (Central Luzon), 4A (Calabarzon – Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), 6 (Western Visayas), 7 (Central Visayas), at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa Laging handa briefing nitong Sabado, sinabi ni Vergeire na binabantayan nila ang mga rehiyong mababa pa rin ang coverage ng bakuna upang matutukan ang mga ito.
“Mayroon pa rin ho tayong mga binabantayan na mga rehiyon kung saan medyo mababa pa rin ho ang ating coverage and this includes Region 4A, Region 3, Region 7. Ito pong tatlong regions na ‘to, kaya naman din po talagang mababa pa rin ang coverage dahil napakalaking rehiyon po nito at malaki ang population,” ayon pa kay Vergeire. “Mayroon din po tayo sa BARMM at sa Region 6 na medyo mababa pa rin ang vaccination.”
Kaugnay nito, sinabi ni Vergeire na magpapakalat sila ng mga volunteers sa mga naturang lugar simula sa Disyembre 15 hanggang 17, na siyang itinakdang mga araw ng ikalawang national vaccination program ng gobyerno.
Mary Ann Santiago