Mukhang naplantsa na ang gusot sa pagitan nina Nadine Lustre at talent management firm na Viva Artists Agency.
Ayon mismo sa abogado ni Nadine na si Atty. Gideon V. Peña, mananatili pa rin si Nadine sa poder ng Viva hanggang Disyembre 2029, sa kondisyon na may karapatan na siyang magdesisyon kung ano-ano ang mga bagay o proyektong gagawin niya, para sa nais niyang imahe at branding.
Mukhang aprub naman ang magkabilang kampo sa mga isyung legalidad na nailatag.
“Nadine and Viva Artists Agency have settled their legal issues under terms that are fair and mutually beneficial," ayon kay Atty. Peña sa opisyal na pahayag kasama si Atty. Eirene Jhone Aguila na may petsang Disyembre 10, na ibinahagi nito sa Twitter.
“Nadine and Viva have agreed to continue their professional relationship on an exclusive basis until 31 December 2029 with Nadine retaining her rights to decide on matters in connection with her branding and image."
“For now, Nadine and Viva remained committed and focused on providing quality entertainment"
Bahagi rin ng usapan na hindi na magsasalita pa ang dalawang panig hinggil sa isyu.
Matatandaang noong Enero 2020 nang ihayag ni Nadine ang intensyong pagkalas niya sa Viva bilang isang self-managed artist at termination ng kaniyang kontrata sa Viva, bagay na pinalagan naman ng talent management agency. Nagsampa sila ng kaso laban kay Nadine dahil sa mga paglabag na nakasaad sa kanilang kontrata na hindi pa umano na-eexpire.
Matapos nito ay mas pinagtuunan ng aktres ng pansin ang paggawa ng kanta at tuluyang nakapag-release ng album na “Wildest Dreams” sa ilalim ng Careless label noong Oktubre 2020.
Noong Hunyo 2021, naglabas ng resolusyon ang Regional Trial Court na kinakailangang igalang at tapusin ng singer-actress ang kanyang mga obligasyon sa Viva Artists Agency bilang exclusive contract artist.
Bandang Nobyembre 2021 ay napabalita nang kasado ang pelikula ni Nadine na “Greed” kasama si Diego Loyzaga sa ilalim ng Viva Films, at mukhang maayos na rin ang kanilang working relationship.