Hindi Omicron variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang nadiskubre sa isang biyahero mula sa South Africa, kundi ibang variant na B.1.1203.

Ito ang isinapubliko ni Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire nitong Sabado, Disyembre 11 at sinabing hindi rin ito variant of concern o interest.

Lumabas aniya ito sa biosurveillance results ng Philippine Genome Center nitong Disyembre 9. 

"There was no sample positive for the Omicron variant, naisama po natin dito 'yung isang arrival from South Africa, kung saan lumabas po 'yung sequencing results na isa po itong variant na B.1.1.203.Hindi po siya Omicron, hindi rin po siya 'yung mga variants na binabantayan natin dito sa ating bansa, hindi rin po ito variant of concern or interest," paglalahad ng opisyal.

Hindi na naglabas pa ng karagdahang detalye ang DOH, gayunman, nakasaad saCOVID-19 In Vitro Diagnostic Devices and Test MethodsDatabase ngEuropean Commission na ang B.1.1.203 ay 48 na beses nang nadiskubre sa buong mundo.

Ipinaliwanag din ni Vergeire na wala silang natuklasang Omicron variant sa inilabas na sequence samples kamakailan.

Nagnegatibo aniya sa virus ang lima sa biyahero na nanggaling sa South Africa kamakailan kaya hindi na nila ito isinama sa pinakahuling sequencing.

Ang dalawa pa sa biyaherong mula sa South Africa na taga-Mimaropa region at Mindanao ay negatibo rin sa COVID-19 test, gayunman, tinutunton pa rin sila ng local government units sa kanilang lugar upang maisailalim ulit sa pagsusuri.

Matatandaang unang nadiskubre ang Omicron variant sa South Africa hanggang sa lumaganap ito sa iba't ibang bansa kamakailan.