Tinalakay nang husto ng House Committee on Basic Education and Culture sa pamumuno ni Pasig City Rep. Roman Romulo nitong Huwebes ang dalawang resolusyon tungkol sa implementasyon ng face-to-face classes sa mga paaralan sa lungsod at kanayunan.
Sa House Resolution 2204 na inakda ni Quezon City Rep. Alfred Vargas, pinaiimbestigahan ang panukalang implementasyon ng blended at distance learning options, partikular ang limitado at kontroladong face-to-face classes para sa practical exercises sa mga paaralan.
Samantala, sa HR 2387 na inakda ni Romulo, hinihimok ang Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) na ikonsidera ang "piloting face-to-face classes in urban centers, subject to the conditions set forth under DepEd Memorandum No. 071, series of 2021 or the Preparations for the Pilot Face-to-Face Expansion and Transitioning to New Normal."
Iprinisenta ni DepEd Assistant Secretary Malcolm Garma sa mga kongresista ang umiiral na implementasyon ng limitadong face-to-face classes.
Ayon sa kanya, pumili ang DepEd ng may 277 public schools at 20 private schools na kasama sa pilot implementation.
Aniya, nagsimula ang DepEd sa inisyal na100 public schools nitong nakaraang buwan samantalang ang karagdagang 177 schools ay nagsimula sa linggong ito.
Bert de Guzman